Sa iniindang tigyawat sa mukha, higit na mainam ang konsultasyon at gabay ng doktor upang lunasan ang mga ito. Totoong napakahirap magamot ang tigyawat lalo na kung hindi angkop na gamot ang iniinom o pinapahid dito. Kaya naman, ating alamin ang mga gamot sa tigyawat na nangangailangan ng gabay ng doktor.

Ano ang Tigyawat at Paano ito Ginagamot?

Hindi na bago sa karamihan ang pagkakaroon ng tigyawat. Ito ay isang kondisyon kung saan makakakita ng pamamaga o bumps sa mukha o ibang bahagi ng katawan gaya ng balikat, leeg, at dibdib.

Ang natural oils sa balat ay tumutulong upang proteksyonan ito at maiwasan ang pagkakaroon ng dry skin. Ngunit, ang labis na sebum sa natural oils na ito ay maaaring humalo sa dead cells, bacteria, at iba parang irritants sa balat. Kapag ito ay naipon at nagbara sa pores, magreresulta ito sa maliliit na bukol na tinatawag na acne o tigyawat.

Iba iba ang hitsura ng tigyawat at ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Blackheads at whiteheads

  • Bukol na may nana

  • Malaki at masakit na bukol o nodule

Sa Pilipinas, tigyawat ang pinakakaraniwang sakit sa balat kung saan higit 17 milyong Pilipino ang apektado. Higit na makikita ang tigyawat sa mga kabataan dahil sa pagbabago sa kanilang hormones dala ng puberty. Pero kapansin-pansin din ang tigyawat sa matatanda. Maaaring dala ito ng hormonal imbalance, genetics, polusyon, at iba pang irritants ng balat gaya ng matapang na sabon o make-up.

Kahalagahan ng Pagkonsulta sa Doktor

Tunay na mahalaga ang hitsura ng ating mukha kaya naman maraming Pilipino ang sumusubok ng iba’t ibang paraan upang maibsan ang kanilang tigyawat. Maraming over-the-counter acne treatment ang mabibili. Ngunit, hindi ito siguradong solusyon sa tigyawat para sa lahat ng tao. Hindi lahat ng produkto na gumana sa iba ay gagana din sa iyo dahil mayroong pagkakaiba sa ating mga skin type at uri ng tigyawat.

Labis na pag-iingat ang kailangan upang magamot ang tigyawat sa mukha. Kahit na ito ay hindi na bago sa atin, talagang mahirap itong pagalingin nang walang tulong ng eksperto.

Iba iba ang paraan ng paggana ng mga gamot sa tigyawat. Mayroong gamot na tumutulong mabawasan ang oil production ng iyong balat para mabawasan ang pagbabara ng sebum sa mga pores. Ang iba naman ay tumutugon sa bacterial infection para mawala ang pamamaga at pamumula ng tigyawat. Bukod dito, ang pagkalubha ng tigyawat ay nagdidikta rin ng dosage at uri ng gamot na irereseta sa iyo.

Dahil sa pagkaka-iba-iba nito, maraming self-medication para sa tigyawat ang hindi gumagana. Ang self-medication ay maaaring magpalala ng tigyawat lalo na kung hindi ka hiyang sa mga produktong pinapahid o iniinom. Ang maling paggamit ng mga gamot pang-tigyawat ay maaari ring magresulta sa mas matagal na paggaling ng tigyawat. 

Maiiwasan ang mga side effects at mas mapapabilis ang paggaling ng tigyawat sa tulong ng isang eksperto. Dermatologists ang mga doktor ng balat at sila ang makatutulong upang makabuo ng angkop na treatment plan para sa klase ng tigyawat mo. Susuriin nila ang iyong balat at ang iyong history upang gamiting basehan ng iyong resetang gamot.

Mga Gamot sa Tigyawat

Ang gamot sa tigyawat ay pinakaepektibo kapag ginagamit nang tama. Matapos suriin ng doktor ang iyong balat, malalaman nila ang diagnosis at dahilan ng pagkakaroon ng tigyawat sa balat. Mula dito, magrereseta sila ng gamot sa tigyawat at ituturo nila s aiyo ang wastong paggamit nito.

Maaaring pumili ang iyong doktor sa mga iniinom o pinapahid na gamot. Bukod dito, pwede rin silang magbigay ng ibang serbisyo para mawala ang tigyawat, gaya ng drainage and extraction o steroid injections.

Mga Iniinom na Gamot

Kapag sinabing nireseta ng doktor, isa sa una nating maiisip ay ang mga iniinom na gamot, Para sa tigyawat, narito ang ilan sa mga iniinom na gamot na kailangang ireseta sa iyo ng doktor:

Oral Isotretinoin

Isotretinoin gaya ng Acnetrex 10 ang isa sa pinakakilalang gamot na iniinom para sa tigyawat. Ang Acnetrex 10 ay naglalaman ng 10mg ng isotretinoin. Ito ay derivative ng vitamin A at karaniwang nirereseta sa mga taong may severe acne na hindi gumagaling sa ibang gamot o treatment. Gumagana ang gamot na ito para sa tigyawat dahil nililinis nito ang baradong pores dahil binabawasan nito ang sebum na ginagawa ng glands sa balat. Dahil din dito, napapatay ng active ingredient ng gamot ang mga bacteria na naiipon sa baradong pores.

Ang gamot na ito ay iniinom din upang mawala ang severe cystic acne at ibang keratinization disorders. Tandaan na isa itong gamot na nirereseta at may mga posibleng side effects ito sa hindi wastong paggamit. Kabilang sa mga side effects ang inflammatory bowl disease, birth defects para sa mga buntis, at depresyon. Mainam at tunay na epektibo ito sa paggamot ng tigyawat ngunit kinakailangan ng mausig na pagfollow up sa inyong doktor para ma-monitor ang epekto ng gamot nito sa inyo.

Oral Antibiotics

Nagrereseta rin ng antibiotics gaya ng tetracycline o doxycycline bilang gamot sa tigyawat. Gaya ng isotretinoin, para ito sa moderate to severe acne. Minsan, ang mga bacteria na naiipon sa pores ang dahilan ng tigyawat na cystic at nodular. Ang nireresetang antibiotic ay kayang puksain ang mga bacteria na ito para bawasan ang inflammation at pamumula ng tigyawat, at muling pagkinis ng balat matapos ang ilang lingo o buwan.

Ngunit ang kaibahan nito ay nirereseta lamang ang oral antibiotics sa maiksing panahon para maiwasan ang antibiotic resistance. Maaaring makita ang epekto ng antibiotic sa tigyawat sa loob ng apat na lingo.

Contraceptives o Birth Control Pills

Ginagamit din ang contraceptives o birth control pills bilang gamot sa tigyawat. Ang estrogen na hormone ay nakakaapekto sa dami ng oil o sebum na inilalabas ng pores ng balat. Ang birth control pills ay makakatulong upang bawasan ang epekto ng hormones na ito at pakalmahin ang iyong tigyawat. Kadalasan, kapansin pansin sa kababaihan ang pamumula o paglala ng inflammation sa tigyawat nila isang beses sa isang buwan. Kapag ganito, malaki ang posibilidad na gawa ito ng hormones at maaaring resetahan ng doktor ng contraceptives.

Sa tamang reseta ng doktor at wastong paggamit ng gamot na ito, maaaring makita ang paggaling ng tigyawat sa loob ng ilang buwan.

Mga Ipinapahid na Gamot

Bukod sa iniinom na gamot, maaari ring magreseta ang doktor ng mga pinapahid na gamot para mapagaling ang tigyawat. Narito ang ilan sa mga gamot na ito:

Retinoids

Nirereseta ng doktor ang retinoids para sa moderate acne. Maaring ireseta ang creams, gels, o lotion na retinoids gaya ng tretinoin, adapalene, at tazarotene. Pinapahid ito sa mukha gabi-gabi upang maiwasan ang pagbara ng sebum at iba pang debris sa pores at hair follicles.

Kailangang sundin nang maigi ang reseta ng doktor dahil hindi maaaring gamitin ang retinoids kasabay ng ibang produkto na may benzoyl peroxide. Magiging mas sensitive din ang iyong balat sa sinag ng araw kaya naman kailangang bantayan ang side effects ng retinoids gaya ng pamumula at dry skin.

Antibiotics

Ang antibiotics ay mayroon ding preparasyon na pinapahid ay hindi iniinom. Tumutulong ang pinapahid na antibiotic para mapuksa ang bacteria sa balat at mabawasan ang pamumula at inflammation sa tigyawat. Kadalasan, ito ay nirereseta kasama ng ibang gamot upang mapabilis ang epekto at paghilom ng tigyawat.

Azelaic Acid at Salicylic Acid

Ang azelaic acid at salicylic acid ay mabisang pamahid sa tigyawat. Ngunit, ito ay may matapang na ingredients na maaaring magdulot ng discoloration at skin irritation kung mali ang paggamit kaya mahigpit itong nirereseta ng doktor.

Ang cream o gel formula ng azelaic acid ang karaniwang nirereseta para sa tigyawat. Ito ay may antibacterial properties na kayang puksain ang mga bacteria sa mukha na nakapagdudulot ng tigyawat. Ang salicylic acid naman ay nirereseta upang maalis ang bara sa hair follicles at pores.

Iba Pang Solusyon para sa Tigyawat

Bukod sa gamot, may iba ring solusyon ang mga doktor upang gamot sa tigyawat. Depende sa uri ng iyong tigyawat, maaari kang magpa-schedule sa iyong dermatologist ng chemical peel, drainage and extraction, o steroid injection.

Ang chemical peel ay tumatalab sa simpleng acne. Gumagamit ang doktor ng salicylic acid, glycolic acid, o retinoic acid para mapaganda ang kutis at magamot ang tigyawat.

Kung ikaw naman ay may malaking cystic acne, maaaring gumamit ng sterile instruments ang iyong doktor para i-extract ang nana, whiteheads, o blackheads na nasa tigyawat.

Para naman sa masasakit na tigyawat na hindi tinatablan ng pinapahid na gamot, maaaring magturok ang doktor ng steroids gaya ng cortisone sa tigyawat para paliitin ito at bawasan ang pamumula at pananakit.

Konklusyon

Ang pinakamabisang paraan upang gamutin ang tigyawat ay sa pamamagitan ng wastong produkto na angkop sa iyong problema sa balat. Tunay ngang maraming over-the-counter na gamot o pamahid sa tigyawat, ngunit mas epektibo at ligtas pa rin ang pagkonsulta sa eksperto gaya ng dermatologist.

References:

Article Reviewed by: Dr. Mary Amy Fatima Cagayan Chua